BAGOMICRONANAMAN?

BAGOMICRONANAMAN?

Pandemya. Mag-dadalawang taon na. Sa mga kaibigan ko, kailan kaya ako makakasama. Sa paaralan ko, kailan kaya ako muling makakasulat sa pisara. Tila ba bumalik lahat ng mapait na ala-ala at katanungang naglaho na matapos gulantangin ng Omicron ang mundo. Sa Pilipinas kung saan pagsapit ng Disyembre ay kaugalian nang magsaya ay nabalot ang lahat ng takot sapagkat nakapasok na nga ang variant na kasing bilis makahawa tulad ng isang kisapmata. 

Ang Omicron ay isang baryante ng Covid-19 na unang natagpuan sa South Africa. Itinalaga ito ng World Health Organization bilang “Variant of Concern” dahil sa matulin nitong pagkalat na dahilan ng biglaan at patuloy na pagtaas ng mga kaso sa iba’t-ibang bansa kabilang na ang Pilipinas. 

Taglay ng Omicron ang mahigit kumulang 30 na mutations sa kanyang spike protein na siyang tumutulong sa virus particles na makatagos sa ating mga selula. Bagama’t nakababahala pakinggan ay pahayag naman ng isang immunologist sa University of Arizona na si Dr. Deepta Bhattacharya, na “multi-layered” ang ating “immune system” kung kaya’t ang bakuna at mga naunang naapektuhan ng sakit ay itinatalagang epektibo pa rin bilang proteksyon sa bagong kinakaharap na suliranin. 

Hindi pa tiyak sa atin nang mabuti kung ano ang buong kakayahan ni Omicron sapagkat patuloy palang ang pag-aaral sa variant na ito ngunit isa lamang itong karagdagang pagsubok na atin ding malalagpasan. Bago man ang pangalan, hindi naman bago ang ating nararanasan. Kampanteng pag-uugaling nakasanayan ay lipulin nang si Corona ay mapuksa na natin. 

Leave a Reply

Your email address will not be published.