Sa Ngalan ng Diyos at mga Diyos-Diyosan

Sa Ngalan ng Diyos at mga Diyos-Diyosan

Sa kabila ng Artikulo 2 Seksyon 6 ng 1987 Konstitusyong nakatuon sa dibisyon ng Simbahan at Estado, hindi maitatanggi na ang debotong populasyong Pilipino ay umaasa sa hatol ng mga pinuno ng relihiyon sa mga usaping pambansa. Pati ang mga taong nasa mataas na posisyon sa gobyerno ay inilalaban ang mga pahayag ng mga relihiyosong aklat sa pagdedebate tungkol sa mga nais maisakatuparang mga batas.

Sa 2017 Philippine Trust Index ng public relations firm na EON Group, siyam sa sampung Filipino ang nagbibigay pa rin ng pinakamalaking tiwala sa simbahan. Higit pa ito sa tiwala nila sa gobyerno, media, negosyo at non-government organizations. Ayon naman sa 2018 survey ng Kantar TNS, apat sa sampung Pinoy ang posibleng bumoto sa isang kandidatong ineendorso ng kanilang simbahan o religious group. Hindi man ito kataas-taasan, ito ay itinuturing pa rin na makabuluhang porsiyento.

Lubos na iginigiit ng estado na hindi dapat dinadamay ang pulitika sa relihiyon at relihiyon sa pulitika, ngunit upang maasam ang trono sa gobyerno, ginagamit ng mga pulitiko ang mga relihiyon bilang estratehiya upang makaakit ng libo-libong mga boto.

Bagamat ang Simabahang Katoliko na siyang kinabibilangan ng higit 80 porsiyento ng buong populasyon ay naniniwalang ang bawat tao ay may kakayahan at kalayaang pumili ng kung sino ang nararapat na ihalal, ang Iglesia ni Cristo (INC) na pangatlo sa pinakamalaking simabahan sa Pilipinas ay may sistemang “one bloc”. Lahat ng botante mula sa INC ay bumoboto ng mga mga inieendorsong kandidato.

Nakaraang suportadong mga kandidato sa pagkapangulo ay sina Ferdinand Marcos noong 1986, Eduardo Cojuangco noong 1992, Joseph Estrada noong 1998, Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004, Manny Villar noong 2010 at Rodrigo Duterte noong 2016. Hindi man lahat ng kanilang ineendorso ay nanalo, hindi maitatanggi na ang higit sa isang milyong botanteng INC ay may kakayahang baliktarin ang pagwagi ng mga kandidato.

Ang mga kandidato ay hindi diyos. Hindi rin etikal na gamitin ang pangalan ng anumang diyos upang makamtan ang nais na posisyon. Ang mga pulitiko ay dapat manggagawa para sa mga mamamayan at ang mamamayan ay may responsibilidad na pumili ng nararapat na kandidato para manilbihan sa bansa—kandidatong totoong may takot sa Diyos, may respeto sa mga aral ng simbahan, at may kakayahang ibukod ang pulitika sa relihiyon.

Niño Ricofrelle Dannug

Niño Ricofrelle Dannug

Editorial/Opinion Editor

Leave a Reply

Your email address will not be published.